By DELIA CUARESMA
Nilinaw ni Barbie Imperial na maayos at walang kahit anong tensyon sa pagitan nila ni Sarah Lahbati.
Sa panayam niya kay Ogie Diaz, diretsahang sinabi ng aktres na nagbabatian at nagngingitian pa nga sila ni Sarah tuwing nagkakasalubong — lalo na sa Aivee Clinic kung saan pareho silang nagpupunta.
“Feeling ko kung inagaw ko talaga si Richard kay Sarah, magagalit talaga siya sa’kin. May sasabihin siya about me. Babae siya eh. Kung ako rin inagawan, ipo-post ko. Pero si Sarah naman, alam niya kung ano ‘yung reason. So kapag nagkikita kami sa Aivee, nag-smile naman kami sa isa’t isa,” kuwento ni Barbie.
Ang tinutukoy niyang Richard ay walang iba kundi ang boyfriend niyang si Richard Gutierrez — dating asawa ni Sarah.
Sa patuloy na akusasyon na siya raw ang third party sa hiwalayan ng dating mag-asawa, ani Barbie, “Kung ano man po ‘yung naging rason ng hiwalayan nilang dalawa, masasabi ko po — at alam ng Diyos — na hindi po ako ‘yun.”
Hindi na raw niya gustong dagdagan pa ang statement niyang ito bilang respeto sa dating mag-asawa at sa kanilang mga anak.
“Hindi ko po istorya ‘yun. Respeto ko po ‘yun kay Sarah at Richard, at sa dalawa po nilang anak.”
Inamin naman ni Barbie na hindi naging madali sa kanya ang matinding bashing na naranasan sa pakikipagrelasyon kay Richard.
“Pinaka-malalang bashing sa’kin itong relationship ko with Chard. Dito po ako medyo na-depress talaga,” pag-amin niya.
Dagdag pa niya, nanahimik siya noon para iwas gulo at para na rin sa kapakanan ng mga bata.
Ibinahagi rin ng aktres na maganda ang relasyon niya kina Zion at Kai, mga anak nina Richard at Sarah, pati sa ina ni Richard na si Annabelle Rama.
Unang nali-link sina Barbie at Richard noong early 2024, at kamakailan lang nila kinumpirmang nagde-date na sila.
