‘Kasalanan’ ni Mika, pinag-uusapan na!

Tempo Desk
2 Min Read

By DELIA CUARESMA

Ayaw paawat sa pag-arangkada ng career ang “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition” Kapuso Big Winner na si Mika Salamanca!

Matapos i-launch bilang bida sa seryeng “The Secrets of Hotel 88” ay ganap naman siyang music artist sa pag-release ng kanyang bagong awiting “Kasalanan” na bahagi ng kanyang inaabangang debut album sa ilalim ng Star Music.

Take note na sa loob lamang ng dalawang araw, nanguna ito sa iTunes Philippines at napasama rin sa New Music Friday list ng Spotify at Billboard Philippines.

Ang “Kasalanan” ay tungkol sa pag-ibig na malaya, walang takot, at walang pakialam sa sasabihin ng iba.

“Ito rin po ay nagsisilbing love letter ko sa fans ko na simula’t sapul ay hindi ako iniwan at patuloy akong sinusuportahan sa kabila ng mga panghuhusga sa akin sa social media,” pagbabahagi ni Mika.

Agaw eksena rin ang music video ng “Kasalanan” kung saan tampok ang kontrobersyal na Kapamilya actor na si Anthony Jennings.

“Nakakakaba pero buti si Anthony ang kapartner ko dahil talagang marunong sya pagdating sa action. Inalalayan nya ako nang maigi kaya sobrang laki ng pasasalamat ko na pumayag siya maging part ng MV,” ani Mika.

Ni-launch ang “Kasalanan” sa national TV via “It’s Showtime” kung saan ginulat ni Mika ang lahat sa kanyang fierce pop star performance kasama ang Femme MNL.

Kung matatandaan, umarangkada rin sa local charts ang debut single ni Mika na “Sino Nga Ba Siya.”

Pinusuan din ito ng mga listeners sa Singapore, Cambodia, Qatar, at nakapasok sa top 10 ng Spotify Viral Songs Chart na may mahigit 5 million streams.

Available na ang “Kasalanan” sa iba’t ibang digital streaming platforms at napapanood ang music video sa ABS-CBN Star Music YouTube channel.

Share This Article