Ni DELIA CUARESMA
Katulad ng inaasahan, ginawa na ngang content ng vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy ang halos 10 buwan niyang pagkakakulong sa Pilipinas.
Sa isang livestream kamakailan, ibinahagi niya sa mga netizens ang diumano’y lantarang korapsyon sa loob ng bilangguan.
Aniya, lahat ay pwede sa loob basta may pera ka – pati na ang cellphone.
Sey niya, “I had a phone the whole time in jail. I logged everything, and I will expose the corruption.”
Kuwento ni Vitaly, madaling suhulan ang mga guwardiya na siyang kumukontrol ng lahat sa loob, pati na ang mga basic needs ng mga Persons Deprived of Liberty o PDL.
“You pay the guard, and you are good,” diin niya.
Kasama sa mga prebilihiyo ang inuming tubig, hanggang sa pagpapatingin sa doktor.
“Access to basic needs depended on the guard. Sometimes I had to pretend to faint just to get water,” sambit pa niya.
Sa ibang bahagi ng kanyang paglalahad, binanggit ni Vitaly kung gaano kasikip at kainit ang loob ng preso.
Hindi nga raw biro ang mga kanyang pinagdaanan habang naandoon.
Ibinahagi ng vlogger na ang unang tatlong buwan niya sa kulungan ay ginugol niya sa complete isolation.
Kung nabahala man sa mga ibinunyag ni Vitaly, hindi ito pinahalata ng BI Commissioner na si Joel Anthony Viado.
Aniya, pinatalsik na ang lahat na involved sa katiwalian sa naturang kulungan noon pang Nobyembre.
“Zdorovetskiy, who we consider as an undesirable alien, continues to post rage-bait content to generate income from Filipinos online,” ani Biado.
“Regardless of these posts, he remains permanently barred from returning to the Philippines due to his violations,” dagdag pa niya.
Si Vitaly ay inaresto noong Abril 3, 2025 sa Pasay City at kalauna’y idineklarang “undesirable foreign national” ng mga awtoridad ng Pilipinas.
Ang kanyang kaso ay nagsimula matapos ang ilang livestreams kung saan siya umano ay nanggulo ng mga lokal at security personnel sa Metro Manila.
Matapos ang ilang buwang detensyon at pagharap sa mga kasong may kaugnayan sa public disturbance, siya ay na-deport pabalik ng Russia nitong January 17.
