Goodbye, Sara Jane

Tempo Desk
2 Min Read

By DELIA CUARESMA

Sumakabilang-buhay na ang dating beauty queen at model na si Sara Jane Paez-Santiago.

Kinumpirma ito ng fashion designer na si Renee Salud at dating beauty queen na si Marina Benipayo via social media.

Ayon sa kanila, pumanaw si Sara noong Martes, January 13—ilang linggo bago niya ipagdiwang ang ika-58 niyang kaarawan.

Nitong Huwebes, January 15, ibinahagi nina Renee at Marina sa kani-kanilang social media ang obituary card ni Sara.

“Our dear friend, Sara Jane Paez-Santiago, has gone home to our creator. Please include her in your prayers,” ani Marina.

Base sa post ng modelong si Lou Bunyi noong January 4, magkakasama pa sina Sara, Renee, Marina, at iba pang kaibigan sa isang gathering.

Hindi pa inilalabas ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Nakaburol sa Santuario de San Antonio Parish sa Forbes Park, Makati ang labi ni Sara.

Naglabas din ng mensahe ang Binibining Pilipinas organization, kasama ang ilang beauty queens gaya ni Binibining Pilipinas International 1991 Patty Betita.

“We remember and honor the life and legacy of Sarah Jane Paez Santiago, Binibining Universe 1989,” ayon sa pahayag ng organisasyon.

Si Sara ang kinoronahang Binibining Pilipinas Universe noong 1989 at siya ang naging pambato ng bansa sa Miss Universe pageant sa Mexico, kung saan nanalo ang kandidata ng Netherlands na si Angela Visser.

Huling nasilayan si Sara sa TV bilang guest sa “Family Feud” January 2024,  kasama ang kanyang asawang si Nicky Santiago, kapatid na si Gina Paez-De Villa, at bayaw na si Noel De Villa.

Share This Article