By DELIA CUARESMA
Usap-usapan na ngayon ng mga pageant fans at marites ang “Queen of the Islands,” na pati international pageant content creators ay napapansin na rin at gumagawa ng mga vlog tungkol sa kompetisyon.
Hindi naman nakapagtataka kung bakit maraming curious sa pageant dahil kasama sa lineup ang ilang Miss Universe Philippines title holders na sina Ahtisa Manalo, Michelle Dee, MJ Lastimosa, Ariella Arida, at Gazini Ganados.
Makikipag-agawan din ng korona ang iba pang beauty queens na sina Herlene Budol, Yllana Aduana, Tarah Valencia, at Alethea Ambrosio.

Excited din ang marami sa pagbabalik-pageant nina PBB Collab alumni Shuvee Etrata at AZ Martinez, na muli na namang magkakaharap sa isang beauty contest.
Abangan din ang “hot Maria Clara” na si Sanya Lopez at ang “Sang’gre Flamarra” na si Faith da Silva.
Kasama rin sa mga Sparkle artists na sasabak sina Ashley Ortega, Skye Chua, Haley Dizon, Jade Tecson, at marami pang iba.
Dahil dito, samu’t saring haka-haka na ang lumalabas online kung talagang pageant ang “Queen of the Islands” o may reality TV o pelikulang component din ito.
Bukod sa inanunsiyong P25 million grand prize, kapansin-pansin din ang dami ng sponsors na sumusuporta sa kompetisyon.
Sa ngayon, isang bagay ang malinaw: marami na ang nag-aabang kung sino ang tatanghaling “Queen of the Islands.”
