Ni DELIA CUARESMA
Nagulantang ang fans ng multi-awarded singer-actress na si Lea Salonga matapos niyang kumpirmahin kamakailan na hiwalay na siya sa kanyang asawa, ang American businessman na si Robert Chien.
Sa isang presscon, low key na binulaga ni Lea ang madla ng aminin na hiwalay na sila ng asawa.
At tila may partner na nga itong iba!
Kaswal na siningit niya lang ito nang mapag-usapan ang tungkol sa nag-iisa nilang anak, ang transman actor na si Nic Chien.
Ayon sa kanya, nananatiling buo ang suporta nila para kay Nic sa kabila ng kanilang sitwasyon.
“He (Nic) has so much support. We’re both super busy but, thankfully, the dad and dad’s partner are the ones kind of ‘Pag may sipon ka, it’s here, let’s send you food. Let’s make sure that you’re well,’” pahayag ni Lea.
Sinundan pa niya ito ng diretsahang pag-amin: “So, yes, it’s not a secret. I am… yeah, we’ve been separated for a while.”
Bagama’t simple at maiksi ang pahayag, malinaw ang mensahe – single nga at the moment ang Broadway diva.
Wala ring bakas ng hinanakit sa tono ng boses niya nang idagdag niya na, “Now he’s happy and I am happy that he’s happy.”
Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye si Lea tungkol sa dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Matatandaang ikinasal sina Lea at Robert noong 2007 sa isang katedral sa Los Angeles.
