By DELIA CUARESMA
Bagong taon, bagong pasabog.
Tila ito ang New Year’s resolution ng dating beauty queen at aktres na si Melanie Marquez, ina ng seksing-seksing beauty queen-actress din na si Michelle Dee.
Sa panayam ng “Fast Talk With Boy Abunda” January 5, ibinulgar ni Melanie ang mapait na karanasan niya nitong mga nagdaang taon.
Aniya, ang pinakamatindi rito ay ang paglagak diumano sa kanya sa isang mental hospital sa Pasig ng sapilitan.
Nangyari raw ito matapos umano siyang mag-file ng kaso laban sa asawang si Randy “Adam” Lawyer dahil sa paulit-ulit na physical, verbal, mental at emosyonal na pang-aabuso sa kanya.
Ayon sa 61-year-old, ngayon lang siya nagsalita tungkol dito dahil umasa pa siya na maaayos ang pagsasama nila ng kanyang asawa.

Kwento ni Melanie, kasagsagan ng birthday celebration niya noong 2022 nangyari ang pag-abduct sa kanya.
“I was kidnapped against my will. I was judged, nobody talked to me. I cannot talk to anyone. My phone got hacked and it’s on my birthday.
“Birthday ko mismo nu’ng in-abduct ako because I filed a case against Randy, yung suntok niya sa akin. Nawala ako, inilagay ako sa mental hospital, thinking sira ang ulo ko when, well, in fact, I’m taking care of my two boys…
“I was only invited to celebrate my birthday, but I never thought that this celebration will be my trauma. In-abduct ako, in-injection-an nila ako. I cannot move.”
“Then I was crying because it’s clear enough na betrayal of trust. I don’t wanna mention anybody, but I was hurt,” kwento pa ni Melanie.
Ang pinakamasakit pa raw na ginawa sa kanya ay ginawan siya ng istorya na kesyo maari niyang saktan hindi lang ang sarili kung hindi pati na rin ang mga sariling anak.
“My goodness! Ang kinatatakutan ko lang talaga ang Panginoon. Hindi ko papatayin ang sarili ko at lalong hindi ko papatayin ang mga mahal ko sa buhay. Sila ang strength ko. My two autistic boys, I can feel their love for me. Hindi sila normal but I feel their love,” diin ni Melanie.
Matapos dalhin sa mental facility, inilpat daw siya sa isang rehabilation center, kung saan tumagal siya ng walong buwan.
“Parang nasa jail ako na wala lang rehas. Bakit ako nandoon? Sino ang nagdya-judge sa akin? Bakit nila ako inilagay dito na hindi man lang nila ako kinausap? Eight months ako diyan. Sila mismo sa rehab, sabi nila wala akong problema,” sey niya.
Dahil tila hindi na raw maaayos ang sitwasyon nilang mag-asawa, magpa-file na raw siya ng divorce.
Last year nga raw e nag-request na siya sa Bureau of Immigration para makansela ang visa ni Randy para hindi na ito makabalik sa Pilipinas.
Wala pang pahayag si Randy o si Michelle sa isyu.
