Paalam, Bing Davao

Tempo Desk
4 Min Read

By MELL T. NAVARRO

Sumakabilang buhay na ang veteran actor na si Bing Davao, panganay na kapatid ng yumao na ring si Ricky Davao, nitong Sabado, December 20, 4:00 AM, sanhi ng cardiac arrest.
He was 65 years old.
Ito ang kinumpirma sa amin ng stepson ni Bing na si Jonathan Ali, na anak ng aktor kay Fatima Namla, via a phone interview.
Sa Taguig Pateros District Hospital binawian ng buhay si Bing.
Isinugod siya roon ng mga kaanak, matapos ito magreklamo na nahihirapan siyang huminga.
“Kagabi (December 19), kumain lang kaming pamilya sa labas, sa McDonalds.  Init na init siya, kaya kumain ng ice cream, halos itutok na niya ang aircon (sa kanya) doon sa McDo,” kuwento ni Jonathan.
“Tapos, pag-uwi ng bahay, umupo, nagpahinga.  Tapos, tinawag niya ang pamangkin.
“Nanlamig ang katawan niya, nahirapan nang huminga.  Nagpalagay pa siya ng Vicks sa dibdib… Hanggang sa sinugod na namin siya sa ospital, dahil hindi na nga raw makahinga.”
Ayon pa kay Jonathan, sa emergency room ay sinabihan raw ang kanilang pamilya ng doktor na “parang patay na ang kalahati ng puso,” so doon pa lang daw nila nalaman na malala na pala ang sakit nito sa puso.
“Nitong the past weeks ay malakas pa naman siya. Okay pa naman ang pagkain niya o appetite, so talagang nagulat kami… Hindi kasi siya talaga nagkukuwento, hindi niya pinaalam sa amin.
“Sinubukang i-revive sa ospital, pero hindi na kinaya ng katawan.  Halos lahat kaming kamag-anak niya ay nasa ospital, kaya nabigla kaming lahat sa bilis ng mga pangyayari,” aniya.
“Sukob” sa loob ng isang taon ang pagpanaw ni Bing sa kapatid na si Ricky, na nasawi naman noong May 2, 2025.
Nakadagdag raw ito sa pagka-lungkot ng kanyang ama, bukod pa sa nawalan ito ng trabaho sa showbiz after ng pandemic.
“Mula noong pandemic, pinanghinaan na talaga siya ng loob, kasi, hindi tulad dati ay marami siyang tanggap na trabaho (sa pelikula at TV).
“Tapos, dinamdam niya rin ang pagkawala ni Tito Ricky, naapektuhan siya… magkasunod kasi sila sa magkakapatid, close rin sila,” dagdag ni Jonathan.
Tatlo ang naiwang mga kapatid nina Bing at Ricky — ito ay sina Maymay, Gela, at Charlon.
“Binigla siya ng sakit niya (sa puso).  Bihira na rin nga siya lumalabas, kaya medyo wala na ring exercise.  Sinasabi pa niya sa amin noon, “Hindi ko kailangan ng vitamins, wala naman akong sakit.'”
Dahil isa nang Muslim si Bing, walang naging wake ang kanyang mga labi.
“Sa tradisyon po namin, pinalugan lang po namin ang katawan niya, binalot sa puting tela, dinasalan namin at nailibing agad.”

Nailibing si Bing nu’ng parehong araw nang 2:00 PM sa Maharlika Village Cemetery, ang village kunsaan 20 years nang naninirahan si Bing.

Ang ibang mga anak ni Bing sa una nitong asawa ay naninirahan na sa ibang bansa.

Ang aming taos-pusong pakikiramay at panalangin sa pamilya at mga kamag-anak ni Mr. Bing Davao.
TAGGED:
Share This Article