Pesteng 5/6, muling kakalat? Bagong loan cap ng SEC, inalmahan!

Tempo Desk
4 Min Read

May niluluto na naman ang gobyerno — at ayon sa mga consumer advocate, mukhang hindi ito ulam para sa masa kundi lason sa bulsa. 

Sa binubuong bagong panukala ng Securities and Exchange Commission (SEC) kasi, papatawan raw ng mas mababang interest cap ang maliliit na utang. Parang maganda, diba? Pero ayon sa grupo ng CitizenWatch Philippines, imbes na proteksyon, peligro raw ito sa mga karaniwang Pilipino.

Ikinabahala ng grupo na magpapasko na, pero imbes na mas lumuwag ang access sa maliit na pautang — lalo pa itong maaaring humigpit. Sa panahong dapat nakakapaghanda ang mga pamilya para sa noche buena, pamasko ng mga bata, at dagdag-gastos sa holidays, tila may bagong limitasyon na tatama sa mga pinaka-nangangailangan ng mabilis na puhunan o emergency cash.

“’Yung mga umaasa sa maliit na pautang araw-araw, sila ang unang masasaktan dito,” ayon kay Orlando Oxales, Lead Convenor ng CitizenWatch. “Kapag pinilit ng SEC ang 10 percent monthly cap, maaring mamamatay ang registered o legal na lenders at ang mga 5-6 na naman ang maghahari.” 

Sa draft circular na inilabas nitong Oktubre, balak ng SEC limitahan sa 10 porsiyento kada buwan ang interest para sa mga utang na hanggang P20,000. Magiging epektibo raw ito sa Disyembre 1. 

Ayon sa kaniya, maling timing at kulang sa pag-aaral ang pagpapatupad ng interest limit, lalo na’t holiday season ang pinaka-masikip na panahon sa budget ng mga Pilipino. 

“Pasko na — panahon ng pagbibigay, hindi ng pag-alis ng lifeline ng mga nasa laylayan,” sabi pa ni Oxales. “Kung maglalagay kayo ng limitasyon, siguraduhin n’yong hindi nito mas pinapahirapan ang mga pinaka-nagkakandarapa.”

Maliban dito, maraming maliliit na negosyante at manggagawa ang umaasa sa mga ganitong utang para may pambili ng gamot, pang-tuition, o puhunan sa sari-sari store. 

Binibigyang-diin din ng CitizenWatch na kung tunay na proteksyon ang layunin, hindi ngayong Kapaskuhan dapat pinaiiral ang ganitong polisiya. 

“Ang mga bangko, ayaw magpautang kung walang payslip o collateral. Kaya itong mga online lending at microfinance, sila ang sumasalo sa nangangailangan. Pero kung pipigilan mo pa ’yan, saan pupunta ang tao? Eh di balik sa 5/6, balik sa impiyerno ng utang!”

Sabi pa niya, malinaw na kontra sa panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang panukala, dahil noong Hulyo lang ay sinabi ng Pangulo na kailangang tulungan ang MSMEs. 

“Paano mo tutulungan kung pipigilan mo ang mismong pinagmumulan ng puhunan nila?” dagdag pa niya.

Kilala na raw ng marami ang kalakaran ng mga 5/6 — 20 porsiyento ang patong kada linggo, may maniningil araw-araw, minsan pa’y may bantang kahihiyan kapag di nakabayad. 

“Hindi ito negosyo, takutan ito. Kaya kung mawawala ang mga rehistradong lending app at kumpanya, ang papalit ay mga nagpapautang sa takot, hindi sa batas,” babala ni Oxales.

Sa halip na pahinain ang mga legal na lenders, dapat palakasin ng mga regulator ang enforcement laban sa illegal at abusadong lenders at mag-invest sa consumer education.

“Kung talagang gusto n’yong protektahan ang consumer, hulihin n’yo ang mga mapang-abuso. Pero huwag n’yo namang sakalin ’yung sumusunod sa batas,” giit ni Oxales.

Share This Article