Coco Martin, itotodo mga huling tagpo sa ‘Batang Quiapo’!

Tempo Desk
2 Min Read

By DELIA CUARESMA

Ipinagmamalaki ni Coco Martin ang umaatikabong ratratan na finale ng “FPJ’s Batang Quiapo” na aniya e, tiyak na tatatak sa kasaysayan ng telebisyon.

Ipinapangako ni Coco na hitik na hitik sa aksyon ang huling tatlong linggo ng pinakapinapanood na teleserye sa bansa mula 2023.

“Hindi ko bibiguin ang mga manonood. Gusto ko deserve nila ‘yung ending, ‘yung hindi pa nila napapanood at nakikita. Hindi pa na-eexperience ng mga manonood ang mapapanood nila sa ‘Batang Quiapo.’ Sobrang lalaki ng mga eksena. Unexpected,” sabi niya sa panayam sa “TV Patrol.”

Nagpatikim na ang ABS-CBN sa inilabas na finale trailer at marami ang humanga sa mga eksena! Sunod-sunod ang bakbakan ni Tanggol (Coco) laban sa pinakamatindi niyang kalaban na si Rigor (John Estrada).

Pinakita rin ang pagsugod niya sa city hall kasama ang buong-pwersa ng kanyang mga taga-suporta upang patalsikin sa pwesto ang pamilya Guerrero para opisyal na siyang matanghal bilang mayor.

Bukod sa walang humpay na maaaksyong kaganapan, dapat din abangan ang isa sa mga pinaka-emosyonal na eksena matapos malagay sa bingit ng kamatayan ang buong tropa ni Tanggol dahil sa hindi inaasahang paglaglag sa kanila ni Enteng (Jojit Lorenzo).

Napapanood na ang “FPJ’s Batang Quiapo” sa Kapamilya Channel sa ALLTV2 gabi-gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8PM.

Mapapanood din ito sa A2Z, iWant, at Kapamilya Online Live pati na sa The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Share This Article