By DELIA CUARESMA
Ipinagdiwang ng aktor na si Tom Rodriguez ang balitang ikakasal na ang dating asawa niyang si Carla Abellana, na hanggang ngayon ay hindi pa rin ipinapakilala sa publiko ang fiancé.
Sa isang ambush interview matapos ang press conference para sa kanyang bagong pelikula, ang 2025 Metro Manila Film Festival entry na “Unmarry,” inamin ni Tom na masaya siya para kay Carla at naniniwala siyang lahat ay karapat-dapat sa bagong simula.
“I wish her well. Everyone deserves happiness and we all deserve to move on… Ako, nakatutok na ako sa sarili kong married life lang,” pahayag ng aktor.
Dagdag pa niya, mas pinahahalagahan na niya ngayon ang kapayapaang natamo niya matapos ang mga pinagdaanan. “Gusto ko ‘yung peace na meron ako ngayon… ‘Yung past, I don’t want to open it.”
Ayon kay Tom, kamakailan lamang niya nalaman ang engagement ni Carla, at buo ang suporta niya sa bagong yugto ng buhay ng dating asawa.
“I’m glad to know that she’s moving on. We all deserve it,” aniya.
Nang tanungin naman kung handa ba siyang makatrabaho muli si Carla sa hinaharap, naging diretso ang sagot ng aktor: “I’d rather not. I like what I have. I don’t need to revisit the Past.”
Unang nagkakilala sina Tom at Carla noong 2013 sa seryeng “My Husband’s Lover”. Noong 2014 ay kumpirmado nang nanliligaw si Tom, at noong 2021 ay nagpakasal sila. Ngunit matapos ang ilang buwan ay lumutang ang mga problema sa kanilang pagsasama, hanggang tuluyang maghiwalay noong 2022.
