By DELIA CUARESMA
Nakakatuwa naman si Claudine Barretto! Imbes na sumawsaw pa sa bangayan ng kanyang ina, dating asawa na si Raymart Santiago, at kapatid na si Marjorie, heto’t pag-ibig ang naghahari sa kanyang social media feed!
Kamakailan e, nag-post si Claudine sa kanyang Instagram ng isang sweet na litrato kasama ang bagong laman ng kanyang puso— si Milano Sanchez, na kapatid pala ng veteran broadcaster na si Korina Sanchez.
Sa naturang larawan, makikita si Claudine na nakatayo habang mahigpit na yakap si Milano na nakaupo sa silya at bahagyang tinatakpan ang mukha habang todo ngiti. Simple ang kuha ngunit puno ng kilig ang eksena.

Ang caption ni Claudine sa naturang post ay may bahid ng pag-asa at tibay ng loob: “Can you really wait??? No matter how long??? No one will break me? Swear?”
Hindi rin nagpahuli si Milano sa pagpaparamdam. Sa kanyang sariling post, ipinahayag niya ang tapat na damdamin: “The courtship starts now. No matter how long it takes, I will wait. No one will ever break you again.”
Hindi nagtatapos ang pakilig doon. Maririnig pa sa background ng kanyang post ang kantang “Can We Just Stop and Talk a While,” na lalong nagpa-romantiko sa tagpo.
In fairness, puro positibo ang komento ng mga netizen—sana raw ay si Milano na ang lalaking magmamahal at magpapasaya kay Claudine habambuhay.
Kung totoo man ito, mukhang handa na si Claudine Barretto na isara ang lumang kabanata ng kanyang buhay—at buksan ang bagong pahina, sa piling ng isang lalaking marunong maghintay.
