By MELL T. NAVARRO
Ano ang mangyayari kapag nagsalubong ang payak na buhay sa probinsya at isang digital na bangungot na nilikha ng makabagong teknolohiya? Dito iikot ang kuwento ng “The Marianas Web,” isang sci-fi/horror/thriller film na pinagbibidahan nina Ruben Maria Soriquez, Alexa Ocampo, Sahara Bernales, Asia Galeotti, Luca Biagini, at Andrea Dugoni.
Napanood namin ito kamakailan sa SM Megamall, at masasabi naming matagumpay na naipakita ng Italian director na si Marco Calvise ang kakaibang takot at tensyon sa malaking screen.
Hindi na nakapagtataka kung bakit agad tinanggap ni Ruben ang proyekto. Bilang isang batikang aktor at direktor, alam niya kung kailan sulit iprodyus at ikuwento ang isang materyal na may global appeal.

Indeed, sa pelikulang ito, muling pinatunayan ni Ruben ang kaniyang dedikasyon at husay sa sining.
“It’s seldom that I accept movie projects that I am not the director, but with this one, I immediately fell in love with the story and challenged myself with the scenes all throughout the film. I really have had a great time shooting this thriller,” ani Ruben.
Ang screenplay ay isinulat nina Andrea Cavalletto, Marco at Ruben, sa produksyon nina Wellington Soong at Ruben at Marco rin.
Ang pelikula ay kinunan sa Pilipinas at Italya, at ipinalalabas sa pamamagitan ng Crystalsky Entertainment sa bansa at Cardinal XD sa international market.
Tampok sa pelikula si Fosco, isang magsasakang nag-iisa sa lumang mansyon. Tanging ang pakikipag-chat sa gabi ang kaniyang libangan—hanggang sa makilala niya online ang misteryosang si Mariana, isang perpektong babae na magdadala sa kaniya sa madilim na bangungot ng virtual world at artificial intelligence.
Ayon kay Calvise, “As take away when you watch this movie, you will realize one thing that is still important — that at the advent of modern technology with the AI and stuff, personal communication and respect shall still be within us as human beings.”
