By RUEL J. MENDOZA
Si Chanda Romero ang latest victim ng “death hoax” sa showbiz.
Noong nakaraang Sabado, Oct. 11, kumalat sa social media ang pagpanaw daw ng beterang aktres dahil sa heart attack.
Heto ang post sa Facebook page na Mang Kepweng:
“MALUNGKOT NA BALITA: Veteran Actress Na Si Chanda Romero, Pumanaw Na Sa Edad Na 71 Pasado 2:00 Ng Hapon Ngayong Araw (October 11, 2025) Dahil Sa Atake Sa Puso. Ang Aming Taos-pusong Pakikiramay. Rest In Peace, Chanda Romero. February 26, 1954-October 11, 2025.”
Agad-agad na pinabulaanan ng lawyer and film producer ng Quantum Films na si Atty. Josabeth ” Joji” Alonso ang fake news tungkol kay Chanda.
Sa kanyang Facebook account, sinabi nito na “very much alive” ang 71-year old award-winning veteran actress.
“The person who posted this is the same person who posted that Michael de Mesa passed, which we all know is NOT true.
“I don’t understand why people make up stories like these? Sana ipost nyo na lang na kayo ang namatay!!!
“Chanda is very much alive po, and happy and content,” caption ni Atty. Joji.
Kung matatandaan ay naging biktima din ng death hoax ang veteran actor na si Michael de Mesa noong nakaraang Sept. 30.
Ang 65-year old actor mismo ang nagsabing fake news ito sa kanyang social media accounts at humingi ng tulong na hanapin ang taong nagsimula ng pekeng balitang ito.
Si Chanda ay nananatiling aktibo sa paglabas sa TV at pelikula. Huling siyang napanood sa “FPJ’s Batang Quiapo” ng Kapamilya Network at sa “Forever Young” ng GMA-7.
Noong nakaraang Sept. 25, nanalo pa bilang best supporting actress si Chanda sa 3rd Gawad Dangal ng Filipino Awards para sa pelikulang “Espantaho.”
Mapapanood din si Chanda sa 2025 Metro Manila Film Festival official entry na “Call Me Mother” na pinagbibidahan ni Vice Ganda.
