Ate Gay, lumiit ang bukol sa leeg!

Tempo Desk
2 Min Read

By DELIA CUARESMA

May good news ang komedyanteng si Ate Gay!

Aniya sa isang social media post kamakailan, bahagya nang lumiit ang bukol sa kaniyang leeg matapos magsimula ng radiation therapy.

Ayon sa kaniyang Facebook post, tatlong araw lamang ang lumipas at bumagsak na ang sukat ng bukol mula 10 cm to 8.5 cm.

“[Ang bilis] ng pagliit ng bukol in 3 days. 10cm naging 8.5. Maraming salamat po sa inyong lahat na nanalangin ng aking [agarang] paggaling. Patuloy lang po,” aniya pa.

Bago ito, binanggit ni Ate Gay na nakatira siya sa Alabang habang sumasailalim sa mga treatment sa Asian Hospital and Medical Center, salamat sa isang donor na tinawag niya lamang na “anghel.”

Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” inamin niya na unang inakala ang bukol bilang simpleng “beke” lamang. Ngunit nang ito’y tumubo, dumugo, at lumaki na, nagpa­CT scan at biopsy siya—na nagpatunay sa diagnosis na Stage 4 cancer.

Kahit malalim ang laban, patuloy si Ate Gay sa pagpapahayag ng pasasalamat sa mga tagasuporta at nagmamakaawa ng panalangin.

“Kailangan ko po ng dasal. Kailangan ko po ng lakas at sana po makayanan ko ang araw-araw kong buhay sa ngayon,” aniya pa.

Maraming fans ang natuwa sa kanyang mabilis na progreso sa radiation, at umaasa na tuluy-tuloy ang pagliit ng kanyang bukol.

TAGGED:
Share This Article