By DELIA CUARESMA
Isang araw bago ilunsad ng iba’t-ibang grupo ang malawakang kilos-protesta laban sa korapsiyon at katiwalian sa gobyerno, namataan ang actor-politician na si Arjo Atayde na nagsasagawa ng relief operations sa mga biktima ng baha sa Brgy. Bagong Pag-asa at Project 6.
Sa isang Facebook post, ani ng kanyang grupo, “Sa kabila ng nagdaang
matinding pagbaha, tiniyak ni Cong. Arjo Atayde na makarating ang tulong sa bawat pamilyang nangangailangan—lalo na sa mga hindi nakalikas at nanatili sa kanilang mga tahanan.”

Ani pa, “Isinagawa ang relief distribution para sa mga residente ng Barangay Sitio San Isidro Bagong Pag-Asa/Brgy. Project 6. Sa bawat pagkakataon, ipinapakita ni Cong. Arjo na ang tunay na serbisyo ay walang
hangganan—lagi siyang handang magbigay ng higit pa.”
Si Arjo, na kasalukuyang naninilbihang congressman ng Quezon City District 1, ay itinuturo na umano isa sa mga politiko na humingi ng pera mula sa mga contractors na sina Curlee at Sarah Discaya.
Ito ay ibinunyag mismo ni Curlee sa ikatlong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Panel tungkol sa umano’y anomalya sa flood control projects noong
September 8.
Mariing itinanggi ng aktor ang paratang na aniya mananagot ang naninira sa kanya.
Naglabas din ng matinding suporta ang kanyang kapatid na si Gela, at ang misis na si Maine Mendoza.
